Kinaiinisan ng lahat ng ibon ang Paboreal. Napakayabang kasi niya. Napakataas ang pagpapahalaga niya sa sarili. Sa palagay ng Paboreal, siya ang pinakamagandang hayop na may pinakamakulay na pakpak sa kagubatan. Naniniwala siyang dapat lang na pag-usapan ng lahat ng ibon ang maganda niyang paglakad, ang mapang-akit niyang pagtindig, ang matamis niyang pagngiti, at ang malambing niyang pag-awit.
Sa kayabangan nangunguna ang Paboreal. Kapag nagkakaumpok ang lahat ng ibon sa may damuhan ay sinasadya ng Paboreal na magdaan sa harapan nila. Upang lalong mapansin, ibinubukadkad niya ang makukulay na pakpak at lumalakad siyang parang reynang dapat na tingalain, hangaan at igalang.
"Pagkayabang-yabang ng Paboreal na iyan!" galit na bulong ng Kalapati.
"Oo nga. Palakad-lakad pa sa ating harapan. Parang reynang wala namang korona," sabat ng Agila.
"Tuturuan natin ng leksiyon ang reyna kondesang yan," pahayag ng Uwak.
"Ako ang bahala diyan," sagot ng Heron.
"Bakit bubulung-bulong kayo diyan?" tanong ng Paboreal. "Siguro inggit na inggit kayo sa maganda kong pakpak at balahibo, ano?"
"Ang sinumang may pakpak ay dapat magpasikat hindi sa kulay ng pagka-ibon niya kundi sa paglipad niya sa kalawakan. Ikaw. Handa ka bang lumaban sa liparan?"
Hindi kaagad nakakibo ang Paboreal na sa kabiglaan ay pumayag sa laban.
Unang lumipad ang Heron. Nagpaikut-ikot ito sa kalawakan. Palakpakan ang lahat kahit na hindi gaanong mataas ay nakalipad ang humamon.
"Ikaw naman ngayon, Paboreal. Ikaw naman!" sigaw na panunudyo ng lahat.
Ibinukadkad ng Paboreal ang maririkit niyang pakpak. Nalungkot siya nang di man lamang siya makaangat sa lupa upang lumipad. Ikinampay niyang muli ang makukulay na pakpak pero wala ring paglipad na naganap.
Mayabang na ibinukadkad na muli ng Paboreal ang parang pamaypay na mga pakpak. Kumampay siya at bumilang pa mandin ng, "Isa! Dalawa! Tatlo!" Pero bigo at bigo pa rin siya. Hindi niya natutuhang lumipad sa kalawakan. Kahit may maganda siyang balahibo at pakpak, mapang-akit na tindig at malamyos na tinig ay hindi naman niya alam ang sining ng paglipad sa kaitaasan.
"Lipad, Paboreal, lipad!" sigaw ng lahat.
Lumayo si Paboreal na hiyang-hiya. Napansin ng lahat na malungkot siya at sa mga mata ay may luha. Magmula noon, natuto na siyang magpakumbaba.
Aral: Huwag magpakataas. Kung bumagsak ay lagapak.