Isang tigre ang naglalakad. Naghahanap siya ng mapagpapahingahan. Nakakita siya ng isang malilim na puno. Agad siyang nahiga sa ilalim nito. Ngunit bigla siyang napatayo! May naramdaman siyang kumagat sa kanya. Inalam niya kung ano ito. Isang langgam ang nakita niyang papaakyat na sa puno.
"Hoy, Langgam! Ikaw ba ang kumagat sa akin?" usig niya sa langgam.
"Pasensya ka na. Hindi ko sinasadya. Nasaktan kasi ako nang ako'y mahigaan mo," paliwanag ng langgam.
"Kayliit mo'y ang tapang mo! Gusto mo bang lumaban sa akin?" hamon ng tigre sa langgam.
"Aba, hindi! Paano ako lalaban sa iyo ay ang laki-laki mo?" mabilis na sagot ng langgam.
"Lalong hindi ako papayag na pakawalan ka na lang pagkatapos mo akong kagatin. Bumaba ka riyan at harapin mo ako!" galit na sabi ng tigre.
"O sige na nga. Pero dahil malaki ka, tatawag ako ng aking mga kasama," wika ng langgam.
"Sige, tawagin mo pa ang buong lahi mo. Wala kayong laban sa akin," mayabang na sagot ng Tigre.
Hindi na sumagot ang langgam.
Tahimik na umalis na lamang ito.
Maya-maya ay nagbalik ito kasama ang napakaraming langgam.
"Narito na kami. Ako at ang aking mga kasama ay handa na. Gusto mo pa bang lumaban?" tanong ng langgam.
"Kahit ako nag-iisa, sa laki kong ito, wala kayong panalo sa akin. Isang tapak ko lang ay patay kayong lahat," nagyayabang na sagot ng tigre.
"Kung gayon, umpisahan na natin," sabi ng langgam.
Nagsimulang maglaban ang tigre at mga langgam. Tila iisang kumilos ang mga langgam. Sa isang saglit lang ay napuno ng langgam ang buong katawan ng tigre at sinimulan nilang kagatin ito. Hindi malaman ng tigre ang kanyang gagawin. Nagtatalon siya para mahulog ang mga langgam. Ngunit matibay ang kapit ng mga ito. Mula ulo hanggang paa ay may nakakagat sa kanya. Hindi niya makuhang gantihan ang mga langgam. Isa man ay wala siyang mapatay sa mga ito. Dahil dito, hindi na siya nakatiis.
"Suko na ako! Tama na!" sabi nito. Biglang bumitaw ang mga langgam sa tigre.
"O, bakit nagsisimula pa lamang ang laban ay suko ka na?" tanong ng langgam.
"Ngayon ay alam ko na. Kahit pala kayo maliliit ay hindi ko kayang talunin dahil may pagkakaisa kayo," malumanay na sabi ng tigre.
"Kung gayon hindi mo na kami aapak-apakan, maging ang ibang maliliit na hayop dito sa gubat?" tanong ng langgam.
"Oo, ipinangangako ko," sagot naman ng tigre.
Hindi na sumagot ang langgam. Lumakad na ito kasunod ang mahabang pila ng mga kasamang langgam. Alam niyang magbabago na ang tigre.
Nakaalis na ang mga langgam ay tulala pa rin ang tigre. Hindi pa rin siya makapaniwala sa nangyari sa kanya. Dati'y halos lahat ng hayop sa gubat ay takot sa kanya. Langgam lamang pala ang katapat niya.