Isang araw ay nahuli ng Tigre ang isang Lobo sa kasukalan. Kakainin na sana ng mabangis na Tigre ang kaniyang huli nang itaas ng Lobo ang kaniyang leeg at nagwikang, "Teka, teka. Alam mo bang kaproproklama lamang ng mga Bathala na ako na raw ngayon ang Hari ng Kagubatan?"
"Ikaw? Hari ng mga Hayop?" hindi makapaniwalang sabi ng Tigre.
"Kung hindi ka naniniwala ay sumama ka at maglakad tayo sa buong kagubatan. Tingnan mo lang kung hindi matakot ang lahat makita lang ako!"
Hindi malaman ng Tigre kung paniniwalaan ba o hindi ang tinuran ng Lobo.
Mayabang na lumakad sa harapan ng Tigre ang Lobo. Nang ayain ng Lobo ang Tigreng umikot sa kagubatan ay napasunod ito.
Malayo pa lamang sa mga Usa ay kumaway-kaway na ang Lobo sa mga hayop na may mahahabang sungay. Takot na napatakbong papalayo ang mga Usa. Ganoon din ang naging reaksiyon ng mga Kambing, ng mga Kuneho at ng mga Tsonggo.
Takot ding nagsilayo ang mga Baboydamo at mga Kabayo.
Takang-taka ang Tigre.
Nang magtakbuhan sa sobrang takot ang mga hayop ay mayabang na nagsalita ang Lobo, "Kaibigan, naniniwala ka na bang ako na nga ang Hari ng Kagubatan?"
Napansin ng Tigre na kapag lumalapit na silang dalawa sa mga hayop ay lagi at laging nasa likod niya ang tusong Lobo.
Napag-isip-isip niyang hindi sa Lobo takot ang Usa, ang Kambing at Kuneho. Hindi rin dahil dito kaya kumaripas ng takbo ang Tsonggo, ang Baboyramo at Kabayo. Nang manlisik na ang mga mata ng Tigre at magsitayo na ang mga balahibo nito sa galit ay mabilis pa sa alaskwatrong nagtatakbong papalayo ang takut na takot na Lobo.
Aral: Dapat na maging mapanuri upang malaman ang layunin ng mga taong nakapaligid sa atin.