Isang umaga ay nakaisip ng isang masamang biro si Lobo. Kinaibigan niyang mabuti si Tikling na may matulis na tuka. Inimbita niya itong maghapunan sa kaniyang kuweba. Sapagkat kinakitaan ng katapatan sa imbitasyon ay sumama kaagad si Tikling.
Sa loob ng kuweba ay pinaupo sa komportableng batuhan ang bisita. Habang naghihintay si Tikling ay pumasok kaagad sa kusina si Lobo. Ngingisi-ngisi itong nagluto ng sopas sa kaldero. Matapos kumulo ay ibinuhos nito ang sopas sa dalawang malalapad na pinggan.
Nagsimulang langhapin ng Tikling ang masarap na sopas. Hirap siyang tukain ang sopas mula sa malapad na pinggan.
Nang sulyapan ng Lobo ang Tikling ay muntik na itong mapahalakhak sa tuwa. Hirap na hirap kasi ang Tikling sa paggamit nito ng tuka.
"Mukhang hindi ka yata nasasarapan sa sopas na inihanda ko."
"Nasasarapan naman. Matulis lang talaga ang tuka ko."
Totoong naging katuwa-tuwa ang pagpipilit ng Tikling na makuha ang sopas sa malapad na pinggan. Sa kabiguan ng Tikling na tukain ang sopas ay ipinaubaya na lang nito sa bibong Lobo ang pag-ubos ng handa.
Nang makalayu-layo na ang Tikling ay nagpanting ang tenga niya nang maulinigan ang mapanudyong halakhak ng mapagbalatkayong kaibigan.
"Gaganti ako. Makikita mo!" galit na galit ang nakakunot-noong Tikling.
Kinabukasan ay nakaisip ng ganti si Tikling. Inimbita niya ang Lobo sa isang pananghalian sa tabing ilog.
"Ikaw kagabi, ako naman ang nag-iimbita sa isang pananghalian."
"O sige. Tiyak na masarap na pananghalian ang handa mo!"
Pagdating sa tabing ilog ay nagluto rin ng sopas ang Tikling. Isinalin naman nito ang masarap na sopas hindi sa malapad na pinggan kundi sa dalawang pitsel na may makikipot na bibig.
"O sige, kain na tayo," imbita ni Tikling.
Dali-daling isinuot ng ngingisi-ngising Tikling ang matulis nitong tuka sa bunganga ng pitsel. Sa isang iglap lang ay ubos na ang sopas niya.
Baling kaagad ito sa Lobo na hirap na hirap na ipasok ang nguso sa bibig ng pitsel.
"O sa iyo na. Hirap kong higupin ang sopas sa pitsel na iyan!" galit na galit na lumayas si Lobo na lalong nagutom habang naririnig ang paglunok ni Tikling sa masarap na sopas.
Aral: Huwag manlamang kaninuman upang hindi ka rin lamangan.