Sa gitna ng isang ilog ay may maliit na isla. Sa nasabing isla ay may nakatanim na mga puno ng peras na hitik na hitik sa bunga.
Ang Alamid at ang Tsonggo na nakatayo sa tabing ilog ay pinanlalakihan ng mga mata. Gustung-gusto nilang pitasin at kainin ang madidilaw na sa hinog na peras. Ang problema, malayo sila sa mga puno na natatanaw lamang nila. Hindi sila marunong lumangoy at wala ring bangka sa paligid nila.
Nagkasundo ang dalawang kumuha sila ng malalaking sanga ng mga puno sa paligid. Pinagtabi-tabi nila ang mga ito at itinali ng mga yantok. Nang mapahaba ang tulay ng mga sanga ay itinulak nila ito sa tubig.
"O, hayan, mahabang-mahaba na ang tulay natin papuntang isla. Puwede na tayong lumakad sa ibabaw ng tulay upang kunin ang mga peras sa isla," paliwanag ni Tsonggo.
"Sampa na!" utos ni Alamid.
Napansin ni Tsonggong tumatagilid ang tulay kapag silang dalawa na ni Alamid ang sabay na tumatapak. Bumaba na sila sa tulay at nag-usap.
"Hayaan mong mauna akong lumakad sa tulay. Sumunod ka pag narating ko na ang isla," suhestiyon ni Alamid.
Pumayag si Tsonggo sa kundisyong paghahatian nila ang mga peras na hating kapatid.
Nauna nga si Alamid pero nang marating na nito ang isla ay naiba na ang simoy ng hangin. Ngingisi-ngisi nitong inakyat ang mga puno.
"Pagkarami-raming peras! Lahat ng peras ay akin. Wala akong ititira sa iyo."
Matagal na naghintay sa tabing-ilog si Tsonggo. Galit na galit ito sa di pagtupad ni Alamid sa napag-usapan nila.
Upang makaganti ay may naisip na istratehiya ang Tsonggo. Hinatak niya ang tulay papuntang tabing ilog. Nang makita ni Alamid na papalayo na sa isla ang tulay ay nagtatalon siya sa takot.
"Maawa ka, Tsonggo! Maawa ka! Ibalik mo ang tulay. Hahatian kita ng peras. Pangako!" nagtatalon sa takot ang Alamid.
"Ikaw ang magpahinog!" bulong ni Tsonggo. "Paano mo ko mahahatian e inubos mo na lahat ang peras. Kailangan pang hintayin ang isang taon para mamulaklak at magbunga ang puno. Iyo na lahat ng peras. Akin naman ang tulay sa tabing ilog ko papalayo sa isla mo!"
Aral: Kailangan kang maging makatarungan upang ikaw ay pahalagahan.