Magkaibigan sina Unggoy at Pagong. Minsan sa kanilang pamamasyal ay nakakuha sila ng isang punong saging. Naisip nilang paghatian at itanim ito.
Likas na tuso ang unggoy kaya nagmamadali niyang pinili ang bahaging itaas ng saging. Sa kanyang palagay ay malapit na itong mamunga dahil marami ng dahon. Masaya niya itong itinanim.
Samantala, walang kibo namang itinanim ni Pagong ang ibabang bahagi ng saging.
Makalipas ang ilang araw ay natuyo nang lahat ang dahon ng saging na itinanim ni Unggoy. Samantala, dahil may ugat ang bahaging itinanim ni Pagong, unti-unti nang sumibol ang dahon nito.
Labis ang kasiyahan ni Pagong nang magbunga ang kanyang saging. Hindi nagtagal ay nahinog na ito. Ngunit hindi naman niya maakyat ang puno. Tinawag niya ang kaibigang si Unggoy upang tulungan siyang makuha ang bunga ng saging.
Mabilis namang umakyat sa puno si Unggoy. Agad itong namitas at kumain nang kumain sa itaas ng puno. Sa halip na bigyan si Pagong ng bunga ay balat ang itinatapon ni Unggoy kay Pagong. Dahil dito ay nagalit si Pagong at tahimik itong umalis.
Maya-maya ay bumalik itong may dalang mga tinik. Inilagay niya ito sa katawan ng puno ng saging. Pagkatapos ay dali-dali siyang umalis nang hindi namamalayan ni Unggoy.
Nang mabusog si Unggoy, hinanap niya sa ibaba si Pagong. Ngunit hindi na niya ito nakita.
Mabilis siyang bumaba sa puno kaya hindi niya napansin ang mga tinik sa katawan nito.
"Aruy! Bakit napakaraming tinik dito?" panaghoy ni Unggoy.
Matapos alisin ang mga tinik ay hinanap niya si Pagong. Sa di kalayuan ay naabutan niya ang humahangos na si Pagong.
"Aha! Nahuli rin kita. Bakit mo nilagyan ng tinik ang puno?" usig nito kay Unggoy.
Hindi kumibo ang nag-iisip na si Pagong kaya lalong nagalit si Unggoy.
"Dudurugin kita nang pinung-pino," matigas na sabi ni Unggoy.
"Mabuti naman at dadami kami," mahinahong sagot ni Pagong.
Nag-isip si Unggoy. "Alam ko na! Iihawin kita sa apoy."
"Salamat naman at lalo akong gaganda dahil pupula ang buo kong katawan," wika ni Pagong.
Muli, nag-isip na naman ang unggoy habang mahigpit pa ring hawak-hawak ang pagong.
"Itatapon kita sa ilog," banta ni Unggoy.
"Huwag! Para mo nang awa! Malulunod ako!" pagsusumamo ni Pagong.
Sa narinig ay dali-daling itinapon ni Unggoy si Pagong sa ilog.
"Ha-ha-ha! Nakalimutan mo na bang dito ako nakatira?" patuyang tanong ni Pagong kay Unggoy.
Natulala si Unggoy. Bakit nga ba hindi niya naalalang sa tubig nakatira si Pagong?
Sa nangyari ay lalong tumindi ang galit ni Unggoy. Masayang-masaya namang lumangoy papalayo si Pagong.