Isang Usang nahapo sa katatakbo ang huminto sumandali sa tabi ng ilug-ilugan. Uminom siya sa sobrang uhaw. Aalis na sana siya nang napansin ang sariling anyo sa malinaw na tubig. Matagal niyang pinagmasdan ang sarili at humanga siya sa nasalamin.
"Talagang maganda nga pala ang mga sungay kong sanga-sanga. Para itong mga korona ng isang napakagandang prinsesa!"
Habang iniyuyuko ang ulo upang lalong maaninaw ang kaniyang nagniningning na mga korona ay napatapak siya sa malinaw na tubig. Napamulagat siya nang makita ang anyo ng kaniyang mga binti.
"Aba, aba. Nakahihiya pala ang mga binti ko. Sobra sa payat. Hindi bumabagay sa kaakit-akit na mga korona ko!"
Sa kaaaninaw sa sarili ay nagulat siya nang may marinig na mga kaluskos na papalapit sa kinatatayuan niya. Nang lingunin niya ay naroroon at naghihintay pala ang Leyong handa nang sumakmal sa kaniya.
Kumaripas siya ng takbo. Kahit payat ang mga binti ay parang buhawi siya sa bilis ng pagtakbo. Nakapasok na siya sa loob ng kagubatan nang masabit sa mga halaman ang mga sungay niya.
Ang mga korona niyang ipinagpaparangalan ang maghahatid pala sa malagim niyang kamatayan.
Aral: Mahalin ang bawat bagay na bigay sa atin ng Diyos. May kadahilanan kung bakit ibinigay Niya ito sa atin.