Lagi nang nag-aaway-away ang mga ibon sa kagubatan. Naglalaban sila kung sino ang may pinakamagandang tindig. Nag-iiringan sila kung sino ang may pinakamakintab na tuka. Nagpaparunggitan sila kung sino ang may pinakamahabang buntot. Ayaw patalo ng lahat. Iginigiit nilang panalo sila. Kabilang sa iba pang pinaglalabanan ang pinakamakulay na pakpak, ang pinakamataginting na huni at ang pinakamatipunong pangangatawan. Ayaw padaig ng lahat. Dapat lang daw silang manalo. Wala raw sa guni-guni nila ang pagkatalo. Ang bawat isa ay nagyayabang na siya ang pinakamataas lumipad, na siya ang pinakamahigpit kumapit, na siya ang pinakamalakas kumampay.
Kapag ayaw patalo ang sinuman, maingay na maingay na hunihan nang hunihan ang lahat. Ang dating matatamis na huni kapag pinamamayanan ng inggit at yabang ay nakatutulig sa buong kagubatan. Nang matulig na ang nimpa ng kalikasan ay nagpakita ito sa lahat ng mga ibon.
"Hindi ko gusto ang awayan ninyo sa kagubatan. Kailangang pumili kayo ng mamumuno sa inyo. Isang Puno ng mga Ibon ang dapat ninyong iluklok. Ang Puno ay kailangan ninyong sundin. Dapat na maging matapat sa layunin ang mapipili niyong Puno. Kailangang mapasunod kayo upang maging mapayapa ang daigdig ng mga ibon."
Iniisip ng bawat ibong dapat lang na husgahan sila ayon sa ganda ng kanilang balahibo at pakpak. Balahibo at pakpak ang una raw nakikita sa mga ibon sa malayuan at malapitan. Ang ibong may magagandang balahibo at pakpak ang may maganda rin daw na kalooban. Ang ibong may pinakamagandang kalooban ay katangian ng isang mabuting puno.
Upang mapiling pinuno nakaisip ang bawat ibong hubarin ang kanilang balahibo at pakpak sa mga kugon. Kabilang sa naghubad ng balahibo at pakpak sina Kalapati, Agila, Maya at Loro. Sumunod din sina Kilyawan, Gansa, Tikling at Pabo.
Habang nasa tubig ang lahat ay walang paalam na pinuntahan ng puting Uwak ang mga iniwang balahibo at pakpak. Iba't iba ang hugis at kulay ng mga ito. Nakaisip ng magandang ideya ang umaawit na Uwak. Kumuha siya ng malagkit na dagta ng isang halaman. Matapos ipahid sa buong katawan ay mabilis na idinikit ang pinulot na naggagandahang balahibo at pakpak.
Hindi siya makapaniwala nang masalamin niya sa kristal na tubig ang buong kaanyuan. Magandang-maganda ang balahibo at pakpak niya. Hindi na siya puting-puti sa kabuuan. Kulay bahaghari siya na makulay na makulay. Natitiyak niyang pipiliin siyang maging Puno ng mga kasama.
Dumating ang araw na ipinatawag ng nimpa ng kalikasan ang lahat ng mga ibon sa kagubatan. Nang iparada na ng bawat isa ang mga balahibo at pakpak nila ay gulat na gulat sila sa Uwak. Iba't iba kasi ang hugis at kulay ng kasuotan nito. Kahit nagdududa kung sino nga ba at kung saang kagubatan galing ang napakagandang ibon, malakas pa rin nila itong pinalakpakan. Tinanghal nila itong may pinakamaganda at pinakamakulay na mga balahibo at pakpak na kasuotan.
Sumang-ayon ang nimpa ng kalikasan sa mainit na pagtanggap ng mga ibon sa lider na mamumuno sa kanila. Bilang pagbibinyag sa bagong puno ay pinaambunan ng nimpa ng kalikasan ang kalangitan.
Nagliparan ang mga ibong panghimpapawid at iwinasiwas naman ng mga ibong panlupa ang kanilang mga pakpak. Nagtataka ang lahat kung bakit ayaw ng bagong puno nila na lumipad sa kalawakan o magkampay kaya ng pakpak sa kalupaan. Bakit nga ba?
Pinalakas ng nimpa ang ambon na nauwi sa ulan.
Nagtawanan ang lahat nang isa-isang matanggal ang makukulay na balahibo at pakpak ng Uwak.
Sa galit ng nimpa na manlolokong Uwak pala ang nahalal na Puno ng mga Ibon, isinumpa itong magkaroon ng itim na balahibo at pakpak sa habang panahon. Binawi rin ng nimpa ang magandang huni ng Uwak. Kabuntot ng sumpa, obligado ang Uwak na hanapin sa bundok man o kagubatan ang anumang hayop na namatay. Sa kasaysayan, totoo nga namang Uwak ang tagapaghanap ng inuod na bangkay ng hayop at tao man.
Aral: Ang panlilinlang ay dapat na parusahan.