Sa pusod ng isang malawak na kagubatan matatagpuan ang Baryo Maligaya. Malalaki ang mga puno rito kaya malamig at malinis ang hangin. Marami ring iba't ibang halamang namumunga at naggagandahang mga ligaw na bulaklak dito. Tahimik at sagana rin sa pagkain ang lugar kaya maligaya ang mga hayop dito. Dahil dito, ang lugar na ito ay tinawag na Baryo Maligaya ng mga naninirahan dito.
Bahagi na ng pamumuhay ng mga nakatira sa Baryo Maligaya ang pagkakaroon ng mga pagdiriwang. Ang bawat isa ay nagdadala ng masasarap na pagkain na masaya nilang pinagsasaluhan pagkatapos ng palatuntunan.
Isang araw ay nagpulong ang mga hayop sa Baryo Maligaya tungkol sa nalalapit na kaarawan ni Haring Leon. Kailangang espesyal ang gagawin nilang pagdiriwang. Tulad ng dati, napagkasunduan ng lahat na magdadala sila ng masasarap na pagkain. Napag-usapan din nilang magkaroon ng paligsahan sa pag-awit upang masiyahan ang haring mahilig sa musika. Ang mananalo ay tatanghaling "Koro ng Baryo Maligaya."
Apat na grupo ang nagpalista: ang Gintong Tinig na koro ng mga unggoy, ang Kundiman ng mga ibon, ang Tinig Malambing ng mga kuneho, at ang Tunog Makabago ng mga palaka.
Ang apat na pangkat ay dati nang mga mang-aawit. Lahat sila ay mahuhusay at hindi masabi kung sino sa kanila ang talagang mas magaling. Ngayon ay malalaman na kung sino ang tatanghaling "Koro ng Baryo Maligaya."
Sa apat na pangkat ay ang Kundiman ng mga ibon lamang ang naghahanda. Nagkaisa sila na araw-araw silang magpapraktis. Pinagsama-sama-nila ang mga tinig na mataas, katamtaman, at mababa. Isang kundimang pangkapaligiran ang napili nilang awitin sa paligsahan. Pumili rin sila ng damit na gagamitin na siya namang angkop sa napili nilang awit.
Ang ibang pangkat ay hindi naghanda. Masyado silang tiwala sa kanilang mga sarili. Ang katwiran nila ay sanay na sila at kabisado na ng isa't isa ang timbre ng kanilang boses. Hindi na rin sila namili ng kanta. Iyong dating inaawit na lamang nila sa mga nakaraang pagdiriwang ang aawitin nila para hindi na sila magpagod sa pagpapraktis.
Dumating ang araw ng pagdiriwang. Tulad ng dati, naroon ang lahat ng mga hayop. Bawat isa ay may dalang pagkain. Punung-puno ng pagkain ang mga mesa. Ang tanghalan ay maganda ang pagkakaayos at nakaupo na rito ang mga huradong sina Bayawak, Agila, at Tigre. Ang may kaarawang si Haring Leon at ang asawa nito ay nakaupo na rin sa isang bahagi ng tanghalan.
Di-nagtagal, sinimulan na ang paligsahan. Unang tinawag ang Tinig Malambing. Hindi mapakali ang mga kuneho. Hindi magkakapareho ang kanilang mga suot at kitang-kitang ninenerbyos sila. Dahil hindi naghanda, maraming itinagubilin ang lider na si Kunita sa kanyang mga kasama. Sa nerbyos, hindi lubos na naunawaan ng mga kasamahan ang mga sinabi niya.
Nang umakyat na sila sa tanghalan, nag-uunahan ang mga kuneho sa likuran ni Kunita. Bawat isa ay ayaw mapunta sa harapan. Dating sanay sila sa pag-awit sa harapan ng karamihan ngunit ngayon ay nakaramdam sila ng matinding kaba. Dahil sa nerbyos at hindi sila handa, hindi naging maganda ang ipinakita ng mga kuneho.
Sumunod na tinawag ang Gintong Himig ng mga unggoy. Tulad ng mga kuneho ay hindi rin sila handa. Natawa ang mga manonood. May nauuna at may nahuhuli sa pagkanta at tila minamadali nila na matapos ang kanilang awitin.
Ang Tunog Makabago ang ikatlong tinawag. Humanga ang mga nanonood nang umakyat sa tanghalan ang mga palaka. Maganda at makabago ang kanilang kasuotan. Iba't ibang instrumento rin ang kanilang dala. Sumayaw sila sa saliw ng mga instrumentong tinugtog nila bilang panimula. Nagpalakpakan ang mga manonood. Ngunit nang sila'y umawit, natawa rin ang mga manonood. May pumiyok at may sintunado. Ito'y dahil sa hindi rin sila nagpraktis. Hindi nila naiayos ang boses nila sa bagong awitin. Dahil dito, ang iba'y hindi na umawit at sumayaw-sayaw na lamang.
Ibang-iba naman ang ipinakita ng pangkat Kundiman. Pare-pareho ang kanilang kulay berdeng kasuotan at makikita sa anyo nila ang kahandaan. Humanga ang mga manonood sa istilo ng kanilang pag-awit at sa bagong awiting pangkapaligiran na inawit nila. Masigabong palakpakan ng mga nagsitayong hayop ang narinig matapos ang kanilang pag-awit.
Masayang-masaya ang mga ibon. Dahil sa kanilang sipag at pagkakaisa, sila ang nagwagi sa paligsahan. Sila ang tinanghal na "Koro ng Baryo Maligaya."
Mula noon, ang pangkat ng mga ibon ang umaawit sa lahat ng pagdiriwang na ginagawa ng mga hayop.