Isang araw ay ipinakalat ni Jupiter ang balitang magkakaroon ng timpalak na magtatampok sa pinakamagandang anak ng hayop sa kapaligiran.
Nang dumating ang araw ng laban ay nagtipun-tipon ang lahat ng hayop sa paanan ng kabundukan. Dala-dala ng lahat ng inang hayop ang kani-kanilang anak na ipanlalaban. Kahit malalayong gubat, bundok, lambak, ilog at kuweba ang pinanggalingan ay nawala ang pagod nila makasali lang sa timpalak.
Tuwang-tuwa ang lahat nang ihudyat ng dagundong at malalakas na kulog ang pagbukas ng langit. Nagbunyi ang lahat nang matanawan nilang pababa sakay ng gintong karwahe niya ang Bathalang si Jupiter. Nagyukuan sila bilang pagbibigay galang sa Bathala ng Kalikasan.
Inikot ni Jupiter ang paanan ng kabundukan. Sinusuri niya ang lahat ng dala-dalang anak ng bawat inang hayop sa kapaligiran. Papanhik na sana siya sa ituktok ng bundok upang sabihin ang nagwagi nang malingunan niya ang inang Tsonggo. Nilapitan ito ni Jupiter at inaninag ang anak na mahigpit na yakap-yakap. Napaurong ang Bathala nang matanaw na pangung-pango ang ilong ng batang Tsonggo at pagkakapal-kapal pa ng maitim na nguso nito.
"Anong klaseng nilalang ito? Pagkakapal-kapal ng buhok, sunug na sunog ang kulay at pagkapangit-pangit."
Kahit pabulong ay narinig pala ng Inang Tsonggo ang pintas ng Bathala.
Tinitigan ng Inang Tsonggo ang anak. Lalong hinigpitan ang yakap, masaya itong hinagkan bago pabulong na nagsabing, "Wala akong pakialam kung ano man ang sabihin ni Jupiter o ng sinumang huhusga sa iyo. Para sa akin ikaw at ikaw lamang ang pinakamagandang nilalang sa sandaigdigan."
Aral: May iba't ibang pamantayan ang paghusga sa kagandahan.