Isang kambing ang napahiwalay sa kanyang mga kasama. Sa paghahanap sa kanyang mga kasama, napagod sa kalalakad ang kambing. Uhaw na uhaw rin ito kaya nang makakita ng sapa ay lubha siyang natuwa.
"Sa wakas ay makaiinom na rin ako," wika niya sa kanyang sarili.
Iinom na sana siya nang biglang dumating ang isang leon.
"Hoy, Kambing, ako muna ang iinom!" wika ng leon sa kambing.
"Nauna ako rito kaya dapat mauna akong uminom," ganting sagot ni Kambing.
"Ako ang hari ng kagubatang ito. Ako ang dapat maunang uminom," mariin namang wika ni Leon.
"E, ano kung hari ka? Kayang-kaya ka ng sungay ko!" mayabang na tugon ni Kambing.
"Hoy, Kambing! Walang magagawa ang sungay mo sa matatalas kong ngipin," pagmamalaki ni Leon.
Mag-aaway na sana ang dalawa nang mapatingin ang leon sa itaas. Nakita niya ang mga bwitreng lumilipad.
"Naku! Kambing, alam mo ba ang ibig sabihin ng mga bwitreng iyon?" tanong ni Leon.
"Hinihintay nila tayong magpatayan para kainin nila ang ating bangkay," sagot ni Kambing.
Biglang nawala ang galit nila sa isa't isa.
"Sige, Kambing, ikaw na ang maunang uminom," mungkahi ni Leon.
"Hindi, ikaw ang hari kaya dapat mauna ka na," wika naman ni Kambing.
"Sabay na lang kaya tayong uminom," sabi ni Leon.
"O sige," mahinahong sagot ni Kambing.