Isang araw, may krimeng pinahuhusgahan sa isang hurado ang ilang hayop. Kabilang dito ang Ibon, ang Palaka, ang Pagong, ang Alitaptap, at ang Lamok. Upang maparusahan ang kriminal, napagkaisahan ng lahat na magsilbing huwes ang Kuwago.
"Sapagkat ako ang napili ninyong magdesisyon kung sino ang kriminal sa kasong ito, pakikinggan ko kayo sa inyong mga sasabihin."
Nagsimulang tumindig ang Ibon na nagpahayag ng kaniyang problema.
"Ako po si Ibon. Hindi po ako makatulog sa gabi sapagkat kokak nang kokak ang Palaka."
"O, bakit kokak ka nang kokak?" tanong ng Hurado sa Palaka.
"Ako po si Palaka. Kokak po ako nang kokak sa takot ko pong mahulugan ako ng bahay ni Pagong."
Tinawag ng Hurado si Pagong.
"Totoo ba iyon, Pagong?" takang-takang usisa ng Hurado.
"Totoo po. Bakit naman hindi ko po dadalhin ang nag-iisa kong bahay? Takot po kasi ako sa alitaptap na laging may baong apoy sa likuran."
"E bakit nga naman may apoy ka pang dala-dala?" pag-uusisa ng Hurado sa Alitaptap.
"Lagi po kasing may dala-dalang sibat ang Lamok. Para po hindi ako masundot, proteksiyon ko po ang apoy."
Tinawag ng Huradong Kuwago ang itinuturong Lamok.
"Totoo bang may dala-dala kang sibat na panundot?"
Hindi maipaliwanag ng Lamok kung bakit kailangang dala-dala niya lagi ang sibat.
Hindi nagkamali ang lahat nang ibunton sa lalaking Lamok ang parusang mabilanggo.
Nang akmang ipadadakip na ang hinatulan ay dali-dali itong lumipad. Kaagad siyang pumunta sa Lamuklandia. Isinumbong niya sa mga kamag-anak ang malupit daw na Mahistrado.
"Dala-dala mo lang ang sibat na pananggalang, huhulihin ka na upang parusahan?" galit na reaksiyon ng mga Babaeng Lamok.
"Dapat na ipagtanggol natin ang katribo!" sigaw ng mga Lalaking Lamok.
Inayos ng mga Babaeng Lamok ang mga businang panggalugad at mga sibat na panundot ng kanilang mga asawa.
Humanda na sa paglusob nila ang batalyon ng mga Lamok.
Nang mapansin ng Mahistradong dumarating na ang nagliliparang mga Lamok ay ikinampay na nito ang mga pakpak. Dali-dali itong lumipad at pumasok sa kuweba sa kagubatan.
Hindi nag-aksaya ng oras ang mga lalaking Lamok. Upang masigurong bihagin ang Mahistrado ay pinuntahan nila ang lahat ng kuweba sa paligid. Pati na tenga ng mga tao ay sinisilip nila at binubusinahan sa pag-aakalang kuweba rin itong mapagtataguan.
Bigo ang mga Lamok sa paghahanap nila sa Mahistrado.
Hanggang ngayon ay patuloy sila sa pagsilip at pagbusina sa ating mga tenga.
Aral: Ang pagpaparusa kaninuman ay dapat umayon sa katarungan.