May isang malaking Pusa na lagi nang aali-aligid upang makahuli ng Daga. Marami-rami na rin itong nabibiktima. Aabangan niyang lumabas ang Daga at saka ito sasakmalin at gugutay-gutayin.
Sa sobrang takot ng mga Daga ay nagpulung-pulong sila. Pinag-usapan nila kung paano nila maiiwasan ang mapanganib na Pusa.
Naging sobra sa ingay ang mga Daga habang nagpupulong. Ang ingay ay nauwi sa katahimikan nang wala isa mang makaisip ng paraan kung paano maiiwasan ang Pusa. Sa pagkakataong iyon, nagpakitang gilas ang mayabang na Daga. Tumindig ito at mayabang na nagsalita.
"May suhestiyon ako upang maiwasan nating lahat ang Pusa."
Umaatikabong bulungan ang naganap.
"Tumahimik kayo!" utos ng mayabang na Daga. "Maiiwasan lang natin ang ating kaaway kung tatalian natin ito ng kuliling sa leeg. Kung may kukuliling, alam nating ang Pusa ay papalapit sa atin."
"Oo nga. Kung maririnig natin ang kalansing ay makalalayo tayo sa kinatatakutan natin," natutuwang sabat ng Dagang Lalawigan.
Kunwaring nakayuko ang mayabang na Daga.
"Pe... pero... sino ang magtatali ng kuliling?" tanong ng Matandang Daga.
"Hindi ako!" gumagaralgal ang boses na sabi ng Dagang Lungsod. "Tiyak na sasakmalin ako ng Pusa."
"Lalo namang hindi ako," nanginginig ang tuhod na sabi ng Dagang Bukid. "Palapit pa lamang ako ay nangangalmot na ang nasabing Pusa. Tiyak na papatayin ako noon kapag nilapitan ko!"
Sa katanungang sino ang magkukulyar sa Pusa ay walang sinumang nangahas na sumagot at gumawa. Lahat ay nabingi sa tawag ng kabayanihan. Pati na ang mayabang na Daga ay wala ring narinig na anuman.
Aral: Ang tao ay nasusukat hindi sa salita kundi sa gawa.