May nagsabing ang tula "ay pagpapahayag ng maririki't na kaisipan sa maririkit na pananalita." Sa ganyang kahulugan, hindi kailangang maging sukat ang mga taludtod ng isang tula. Ang pagiging sukat ng mga taludtod ay nakararagdag sa kariktan ng tula, datapwa't hindi isang "kailangang sangkap" sa ipinaggiging tula ng isang katha. Iyang ang dahilan, marahil, kung bakit nitong mga kararaang panahon ay may tinawag na "malayang tula."
Ano naman ang tinatawag na "marikit na kaisipan"? Tinatawag na "marikit na kaisipan" yaong pumupukaw sa "marangal na damdamin." Samakatuwid, hindi balanang tinatawag na "tula" ng marami ay "tula" na ngang dapat kilalanin.
At ang "marikit na pananalita"? Walang iba kundi ang pananalitang hindi man "makinis" ay hubad naman sa kalaswaan, hindi lumalapastangan sa mga bagay na kinikilala nating banal, at hindi nagpapahayag ng pag-aglahi sa isang tao dahil sa mga taglay nitong kapintasan.
May mga tulang tinatawag na talambuhay, tula ng damdamin, tulang pandulaan, atbp. Ang matatandang awit at korido natin ay nabibilang sa una. Ang mga tulang nagpapahayag ng paghanga, pag-ibig, kalungkutan, at iba pa ay nabibilang sa pangalawa. Ang tulang pandulaan ay yaong ginagamit sa tanghalan.