Nang ang diwa ko'y magising sa Daigdig ng Himala,
May narinig akong tanong na sa isip ko'y nabadha:
"Ang tahanan daw bay ano? Ang tahana'y ano kaya?
Ang tahanan kaya'y itong nagisnan kong munting dampa?"
Ang tugon ng aking ina: "Sa tahanan ginagawa
Ang pagsintang sa isipa'y napabinhi't napapunla."
Ang pakli ng aking ama: "Sa tahanan nagmumula't
Sa tahanan nagwawakas ang buhay ng Sangnilikha."
Maligaya ako kapag nakakapiling
Ang lahat ng aking kaisang-damdamin;
Nalilimutan ko ang mga hilahil,
Ang sumasa-puso'y banal na hangarin;
Kaya't sa tuwa ko'y malimit sabihing
Ang Diyos ay sadyang malapit sa akin.
At nang ako ay lumaki, noon ko na napagtuos
Na ang mundo'y isa palang Tahanan ng Sangkinupkop,
Sa tahanan tinutuwid ang isip na pabaluktok,
Sa tahanan pinapanday mga isipang marupok,
At ang aking mutyang ama ang matibay na kalupkop,
Na sa aming kahinaa'y nagbibigay ng panlusog,
Kaya pala't ang tahana'y nang likhain na ng Diyos,
Ang nilikhang unang tao'y isang amang maalindog.
Ang tahanan, ang kawangki'y isang munti't abang lunday
Na nabunsod nang di oras sa laot ng kapalaran,
Sinisiklot ng habagat, hinihigop ng amihan,
Binabalot ng daluyong sa gitna ng kalautan;
Nguni't habang ang piloto'y nasa-huli't naninimbang,
Darating din sa ibayo ang gitna ng kasawian,
Ay pilotong umuugit sa lunday ng kabuhayan.
Sa tahanan naming dukha, kahit dampa't walat-walat,
Kahit datnan at panawan ng sakuna't pananalat,
Kaming mga tumitira'y naliligo rin sa galak,
Pagka't kami kahit dukha'y payapa't di naghahanap,
Isang munting bigkis kaming kaipala'y nalalansag,
Kung ang bilang na panali ay masita at makalag:
Kaya pala, pag may amang sa tahana'y lumiliyag
Ang tahana'y sumisinop, umaayos, dimirilag.
Kung sa aming paminggalan ay dumalaw ang hinagpis,
Sa palad ng aking ama'y nagpapalay ang tulyapis;
Kung sa aming inumina'y magtagsalat pati tubig,
Sa pawis ng aking ama'y may tubig na tatagistis;
Kung makitang kami'y hubad at ni walang pananamit,
Baging man sa kagubata'y nahihibla't nalalapnis;
Kaya nga ba't pag ang ama ang lubusan nang umidlip,
Nagdidilim ang tahanan, nagluluksa ang daigdig.