Pilipino ako sa anyo, sa kulay,
sa wika, sa gawa at sa kalinangan.
Ang mutyang bayan ko'y Perlas ng Silangan,
kilala sa ganda at sa iwing taglay na yaman.
Sa mga ugat ko ay nananalaytay,
magiting na dugo ng raha at lakan;
ang kasaysayan ko'y di malilimutan
ng aking kalahi't liping pinagmulan
Maraming bayaning nagbuwis ng buhay,
di nag-atubili sa tawag ng bayan,
nabuwal sa dilim at nagdusang tunay
upang kalayaan ay aking makamtan.
Ikararangal ko itong aking lahi,
di ikahihiya sa alinmang lipi;
busilak ang puso, malinis ang budhi
mamatay ay langit kung bayan ang sanhi.
Taas noong aking ipagmamalaki
Pilipino akong may dangal na lahi,
Sintang Pilipinas ang bayan kong saksi,
dinilig ng dugo ng mga bayani.