Masdan mo ang guro, ang taong dakila,
Mapagtiis siya't laging matiyaga;
Sa tungkulin niya'y lagi siyang handa,
walang tigil siya sa maghapong gawa.
Guro ko ang siyang nagturo sa akin,
Na ang ating lupa ay aking mahalin,
Ako raw'y gumawa at aking sikaping
Mapaunlad itong mutyang bayan natin.
Siya ang nagturo ng kabayanihan
Ng ating Mabini, Burgos at del Pilar;
Siya ang nag-ulat ng buhay ni Rizal,
Siya ang nagturong ako'y maging tapat
Sa mga tungkuling aking ginaganap
Nagtatagumpay raw yaong masisipag,
Di raw giginhawa yapng taong tamad.
Siya ang maysabing ating tangkilikin
Yaong mga bagay na yari sa atin;
Sino pa raw yaong tutulungan natin
Kundi kababayan at kalahi na rin.
Guro ko ang aking tunay na huwaran
Siya ay maayos sa kanyang katawan,
Sa pagsasalita, siya ay magalang
At sa diwa niya'y may matutuhan.
Iyang aking guro'y isang mamamayang
Dapat ding tawaging bayani ng bayan;
Ang mga pinuno sa kinabukasa'y
Nangagdaang lahat sa kaniyang mga kamay.