Ang pula at asul at tatlong bituin
na nagwawagayway sa araw at dilim
ay siyang sagisag ng dugong magiting...
iyan ang bandilang Bayan ang kapiling!
Kasaysayan nito'y hindi matawaran,
pagka't ang lumikha ay dugo at buhay;
siyang namumuno sa luha't tagumpay
ng bayang iniwi sa lahat ng araw!
Siyan umaaliw kung baya'y malungkot,
siya ang dambana sa gabing marupok;
siya ang hiwaga ng nadapang kurus,
ng bayan kung sawi at naghihikahos!
Ayaw paalipin, ayaw ring madusta,
ayaw mapigilan ang sariling laya;
ayaw mayurakan ng mga banyaga
na nagmamalabis... nang-aalipusta!
Pangit na ugaling nais manatili
sa lupang hinirang di payag mangyari;
sukat na ihandog ang pagsasarili
sa malayang langit ng mga bayani!
Sa paa ng kurus o rurok ng langit,
patayong liwanag ang kanyang pag-ibig,
kapalarang lipos o nagwaging hapis,
ginagawang galak sa gitna ng tangis!
Banig ng kahapon o tapis ng bukas,
nagbibigay saya at kulay ng lakas;
hikbi ng parusa't sigaw ng magdamag,
siyang Haring-Diyos na walang kalikas!
Bukas makalawa sa gabing tahimik,
pusong nagbubulay sa diwang malupit –
bandila ang lunas sa budhing pusikit
at sandatang laban sa paghihimagsik!