Munting butil na nimbagang isinabog sa bukirin,
Nang tumubo'y tila damong anong inam pagmalasin,
Mga daho'y makikitid na sa puno'y tila mandin
Kumakaway sa amihang kung humihip ay kaylambing!
Sa patak ng mga hamog ng malamig na umaga,
Sa sinag ng haring araw ay may taglay na pag-asa,
Sa halik ng hanging-bukid na lagi nang nagsasaya,
Ang bukid ay naging kumot na luntiang anong ganda!
Ang malamig na Nobyembre nang idating ng panahon,
Palay natin ay namunga sa tulong ng mga ambon,
Nang ang araw ng Disyembre'y sumikat na mahinahon,
Kabukirang dating lunti'y naging parang ginto noon.
Ang uhay na mapipintog ng palay na tila ginto,
Nang humapay sa pilapil at sa linang ay yumuko,
Magsasaka'y nagsilabas na may galak bawa't puso,
At ginapas ang biyayang sa bukid ay tumutubo.
Sa saliw ng mga biro at tawanang masisigla,
Ginapas ang ating palay, inani rin ang pag-asa.
Ang pag-asang kulay ginto ng bukas na maligaya,
Nang bukas na mariwasa ng bayan kong sinisinta.