Ang isang anluwage, ang isang platero
at ang isang panday, minsan ay nagtalo,
nguni't di malaman sa tatlo kung sino
ang mayrong katuwiran sa baya't sa tao.
Kaya't nang di sila magkaayun-ayon
Pinabayaan nang araw ang humatol;
nag-uwian sila't sa kanilang nayon
ang dating gawa'y ipinagpatuloy.
Sa pulbos na ginto at hiblang tumbaga
rubi't diyamanteng pinagsama-sama,
ilang araw lamang ay nakayari na
ang dating platero ng isang korona.
Nguni't itong hiyas na katangi-tangi
na sa mundo yata ay walang kauri,
nang mapaputong na sa ulo ng hari
daming naaliping mga baya't lahi...!
Sa biyas ng bakal na pinagpag-alab
binayo't pinalo upang magkatabas,
itong panday nama'y nakagawa't sukat
ng isang espadang hindi madalumat.
Nguni't ang patalim na hindi malirip
na sakdal ng talas ang dulo't ang gilid,
nang mapasa-kamay ng kung sinong ganid
ang dugo sa lupa'y naglawa't nagputik...!
Sa dalawang putol ng kahoy na luma
na pinagpadipa't pinagtama-tama,
ang dating anluwage sa hindi kawasa
isang kurus naman ang naibandila.
Ang kurus na itong ni wala man lamang
palamuting sangkap na nakalarawan,
sa isang dambana'y nang mapabayubay
ang baya't ang tao'y nangagbagong-buhay.
Nang muling magtalo ang dating anluwage
ang dating platero't ang panday na dati,
sa kani-kanilang gawaing sarili
ganito na lamang ang sukat masabi:
Hindi ang koronang nakaalipin,
hindi ang espadang nakahihilahil,
kundi iyang kurus na kagiliw-giliw
ang hiyas sa mundong dapat dakilain.