Madalas marinig
sa maraming bibig:
"Dumalaw ka naman
sa aming maliit at dampang tahanan."
Malimit na sagot
ay ang sumusunod:
"Di ko tinitingnan
ang bahay na munti kundi namamahay."
Ano ang tahanan?
Yaon ba'y gusaling pinagkagastahan
ng maraming pilak at malaking yaman?
Yaon ba'y kongkreto na ubod ng tibay
na di nagbabago bumagyo't umaraw?
Iyon kaya nama'y
isang bahay-kubong, kugon ang bubungan
at maraming butas sa palarindingan?
Isa kayang dampang tukod ay kawayang
sa kaunting hangin ay gigiray-giray?
Ang isang tahana'y
Hindi sinusukat sa mga paligid
na magandang tingnan at kaakit-akit;
Kahit na palasyong singganda ng langit
ay hindi tahanan pag-walang pag-ibig.
Ang isang tirahan
kahit sira-sira sa laot ng bukid
Pag ang namamaha'y may bukas na dibdib
at nagmamahalan sa lahat ng saglit...
Iyan ang tahanang tangi sa daigdig!