Tila ahas na nagmula
sa himpilang kanyang lungga,
ang galamay at palikpik, pawang bakal, tanso, tingga,
ang kaliskis, lapitan mo't mga bukas na bintana!
Ang riles na lalakatay
nakabalatay sa daan,
umaaso ang bunganga at maingay na maingay
sa Tutuban magmumula't patutungo sa Dagupan!
O kung gabi't masalubong
ang mata ay nag-aapoy
ang silbato sa malayo'y dinig mo pang sumisipol
at hila-hila ang kanyang kabit-kabit namang bagon.
Walang pagod ang makina,
may baras na nasa rueda,
sumisigaw, sumisibad, humuhuni ang pitada,
tumetelenteng ang kanyang kampanilya sa tuwina.
"Kailan ka magbabalik?"
"Hanggang sa hapon ng Martes,"
at tinangay na ng tren, ang naglakbay na pag-ibig,
sa bentanilya'y may panyo't may naiwang nananangis!