May mga hapon, lalo kung katatapos pa lamang ng bagyo
Na ang mga ibong kanaway, mga ibong mga taga dagat,
Ay naglalabasan mula sa mga yungib na pinamamahingahan nila,
At nagliliparan sa look ng Maqueda.
Pabalik-balik, paikot-ikot, waring walang patutunguhan,
May hinahanap, may ipinagsasaya.
Ang taas ng lipad nila'y dulot
Ng mahahabang pakpak
Na tila walang pagkapagod
Habang pinaghahati-hati nila ang kalakhan ng langit
At isinasabog sa mga manonood
Sa mga baybayin ng Katbalogan.
Unti-unti nang naglalaho ang araw
Ang gabi'y ibig nang mamahinga,
Matapos lakbayin ang mga bundok ng Samar;
Ang lapay, tagak, at lawin ay pauwi nang nagsisilipad
At isa-isa nang sinisindihan ng mga mangingisda
Ang kanilang mga ilawan,
Natatanaw pa ang mga hugis nilang unti-unting naglalaho
At nakikipagsayaw sa mga alon, sa dahan-dahang lumalamig
Na simoy ng hangin at sa dumaraming mga anino
Parang ang mga iyon ay nakikipaghabulan sa araw.
Ang Makata'y isang ibong kanaway.
Dinadala siya ng malalabay na pakpak
Sa rurok ng buhay na makalupa
Na doo'y pinagmamasdan niya
Ang buhay at kamatayan, ang saya't dalamhati,
Ang pagkabilanggo at ang pagtakas
Na pawang naghahanap ng mga sagot
Sa mga tanong na siya ring
Simula't katapusan ng patutunguhan
Ng mga paang sa lupa'y galing
At inilalahad sa kanan
At inilalahad sa kanyang mga tula
Upang ipagdalamhati't ipagsaya
Ng mga pangyayaring daratal bukas makalawa.