Sa gilid ng isang malawak na parang
Ay mayroong' mataas na punong Kawayan:
Ang Kawayang ito ay may kaagapay
Na isang mababa't mahinhing Anahaw...
Minsan, ang Kawaya'y palalong nagturing
Sa abang Anahaw na kanyang kapiling:
"Ano ka't ayaw mong pumantay sa akin
Nang hindi ka tila kawawang malasin?"
"Tingna mo't sa aking tayog na nasapit
Ay hahalikan ko ang bughaw na langit;
Aking natatanaw sa buong paligid
Ang bundok, ang dagat, ang talon, ang batis!"
"Ako nga'y mababa," sagot ng Anahaw
Na tinitingala ang punong Kawayan...
"Datapwa't sa aking abang kababaan
kaya napapansing mataas kang tunay!"
"Saka kung ako man sa tingin ma'y hamak,
Ay matatag naman kahi't humabagat;
Sa hampas ng bagyo'y hindi mabagabag."
Ang pagkakatayong halos walang tinag,
"Hindi katulad mo, nagpapakatayog,
Subali't sa Hangi'y napabubusabos;
Kung saan hutukin, doon nahuhutok,
At yukong parating napahihinuhod!"
Ang usapang iyan kung uunawain,
Sa tao'y ganito ang nahahabilin:
"Higit na dakila ang hamak sa turing
Na mayroong matatag nang Simulain!"