Ito'y lupa... lupang galing kay Bathala.
Isang kayamanang hindi masisira;
Lupang sa paningin ay hamak na lupa
Ngunit masasabing hamak na dakila;
Dakila sapagka't ang mga biyaya
Ng Sangkatauha'y dito nagmumula;
Ang Sankalupaa'y saganang-sagana
Sa pangangailangan ng bawa't nilikha;
Kaya nga, ang lupa'y yamang pinagpala
Na lahat ng tao'y nagsisipagnasa.
Tayo'y tao... taong buhat sa kawalan
Kinipil na putik ng katalagahan;
Alabok ng lupang may buto, may laman,
May diwa, may puso't hininga ng buhay;
Mga sangkap itong naging kabuuan
Ng taong ang Diyos ang naging larawan;
Sapagka't ang tao'y may hustong isipan,
Walang kasiyahan sa lahat ng buhay;
Tao palibhasang may imbot sa yaman,
Ang lupang ninasang maging aring tunay.
Itong kalupaa'y ating natatalos
Na kayraming bagay ang inihahandog;
Nakikita nating ang maraming bundok
Na sa ginto't bakal ay mayamang lubos;
Sa lawak ng bukid na hindi masayod,
Gintung-gintong kulay ang palay na hinog;
Ang sariwang gulay sa mga bakod,
Sa pagod na diya'y nag-aalis-pagod;
Ano pa't ang lupa'y pamana ng Diyos
Na batis ng buhay na di matatapos.
Ang lupa't ang tao'y laging magkaugnay,
Na ang pagkaugpong, walang katapusan;
Pana at palaso ang nakakabagay,
Ang isa sa isa'y sadyang kailangan:
Mawala ang tao - ang lupay tiwangwang,
Mawala ang lupa - ang tao'y mamamatay
Patotoo itong ang gulong ng buhay
Ay nagpapatuloy sa pagtutulungan;
Tumutulong sa kapwa ay kadakilaan,
Magkait sa kapwa'y isang kasakiman.
Sa tao, ang lupa'y kayamanang likas
Na habang panaho'y kaaki-akibat.
Mayaman ang lupa't sa yamang nagkalat,
Patuloy ang buhay, ang sigla, ang lakas;
May batis, may sapa, may ilog, may dagat,
May mga bukiri't gubat na madawag;
Ang lahat ng ito'y may dulot na bukas
Sa mga nilikhang may tiyaga't sipag;
Sa mukha ng lupa tayo inianak,
Sa sukat ng lupa tayo magwawakas.