Mabuhay ka, aking bayan! Mabuhay ka, bayang tinubuan!
Mabuhay ka, dalagang anak ng araw!
Bakit ka malungkot? Ano ang dahilan ng pagtangis mo?
Hayan ang koronang pag-aari mo!
Ito ay yari sa busilak
At mabangong bulaklak
Kayat birhen ng panaginip ito'y iputong mo
Sapagkat ito'y para sa iyo.
Tingnan mo ang araw sa gitna niya
Ang tatlong bituin, iyan... ang tanda na
hindi mangungulimlim ang iyong watawat...
Ang watawat mong wala pang bahid-dungis.
Doon... sa kagubatang kanilang kinamatayan
Ang matatapang mong kawal na hanggang ngayon
ay atin pang tinatangisan,
'Yan, 'yan ang watawat na nagtanggol sa puso,
'yan ang ibinalot sa kanilang mga bangkay!
Natalo sila...! Oo...! Nagkagayon man
Hindi ito mayuyurakan ng sino mang kalaban;
Hindi maipagbibili! Hindi naging dahilan
Sa sino mang Hudas na tampalasan!
Ang mahal kong watawat na may tatlong kulay
Sinasamba at iginagalang ng buhay at patay;
Ito ang naging kanlungan ng mga namatay
at ito rin ang ginamit ng ngayo'y nabubuhay.
'Yan ang watawat... 'yan ang sagisag ng ating bayan!
at 'yan ang nagbigkis sa mga mamamayan;
Kung walang watawat na tanda ng karangalan
Walang bayan namang sukat parangalan!
Kaya nga bayan kong hanap ay katahimikan
Huwag hayaang sa lupa'y sumayad
'Yang watawat na tanda ng karangalan
ni Maria Clarang namatay sa kalungkutan!
Mabuhay ka, aking bayan! Mabuhay ka, bayang tinubuan!
Mabuhay ka, dalagang anak ng araw.
Hayan ang koronang tunay na ari mo
Ipapatong namin sa kayumanggi mong noo!