Mayroong isang magandang alamat
Na kung saan, niyog ay nagbuhat -
Ito raw ay bunga, kalinga sa anak
Ng isang inang sa hukay ay nalagak.
Ito raw ina ay nag-aalala
Sapagka't anak, paano kung wala siya
Kung kaya't ang isang mabait na ada
Ginawang punong niyog ang mabait na ina.
Nang ang punong niyog ay magbunga
Anak ay dagling pumitas ng isa
Pagdaka'y biniyak at doo'y nakita
Ilong at mata ng mahal niyang ina.
Ang laman ng niyog agad na kinain
At saka sinundan sabaw na inumin
Kaagad naparam kanyang pagod mandin
Tila nga ang ina ay kapiling pa rin.
At ang punong niyog, noo'y nakilala
Sa dulot nitong pagkaing kay ganda
Nguni't di alam, mabait na ada
Punong yaong pala dulot ay ligaya.
Ang kanyang dahon pala'y walis na panlinis
At saka ang buno't, pangkintab na panlinis
Huwag nang banggiting laman nito'y langis
Na kailangan din natin sa lahat ng saglit.
Nauso rin, paglalagay ng barya
Sa bao nitong kay gandang alkansiya
Na pag napuno at naging mabigat na
Pambili ng gamit at anumang makita.
Lilim nitong dulot kay sarap damhin
Lalo't magpapahinga sa gitna ng hardin
Gayon din naman gandang hatid sa atin
Ng pagkakaroon ng lamig sa paningin.
Kung ang lahat ay pawang ubos na
At ang punong niyog, ngayo'y matanda na
Huwag itapon maging ang balat niya
Pagka't ito'y gatong na maganda.
Anupa't itong niyog, kaban nga ng yaman
Huwag matahin, kaliit-liitang katawan
Ito'y ating mahali't pakaalagaan
At nang umunlad itong ating bayan.