Isang araw, nakita kong ang ina ko'y namamanglaw
naglilinis ng marumi't mga lumang kasangkapan;
Sa pilak ng kanyang buhok na hibla ng katandaan,
nakita ko ang maraming taong niyang kahirapan...
Sa guhit ng kanyang pisnging lumalalim araw-araw
nakita kong ang ina ko'y tila mandin namamanglaw,
At ang sabi: "Itong piyano'y sa iyo ko ibibigay,
ang kubyertos nating pilak ay kay Itang maiiwan,
mga silya't aparador sa kay Tikong ibibigay,
sa ganyang ko hinahati itong ating munting yaman."
Pinilit kong pasayahin ang lungkot ng aking mukha,
Tinangka kong magpatawa upang siya ay matuwa,
Subali't sa aking mata'y may namuong mga luha
na hindi mapigilan at hindi ka masansala;
Naisip ko ang ina ko, ang ina kong kaawa-awa,
Tila kami'y iiwan na't may yari nang huling nasa.
At sa halip na magalak sa pamanang mapapala,
Sa puso ko ay dumalaw ang lungkot na gunita,
Napaiyak akong parang isang kaawa-awang bata't
Niyakap ko ang ina ko at sa kaniya ay winika:
"Ang ibig ko sana, Nanay, ikaw'y aking pasayahin
at huwagko nang makita ikaw'y nalulungkot mandin.
O Ina ko! Ano ba ang naisipa't iyong paghahati-hatiin
itong munting kayamanang maiiwan mo sa amin?"
Wala naman, yaong sagot, "Baka ako ay tawagin ni
Bathala, ang mabuti'y malaman mo ang habilin:
Itong piyano, yaong silya ay alamin.
Pamana ko na sa inyo, mga bunsong ginigiliw!"
"Nguni't, Inang," ang sagot ko, "Ang lahat ng kasangkapan.
Ang lahat ng yaman dito ay hindi ko kailangan;
Ang ibig ko'y ikaw, Inang, at mabuhay ka na lamang,
Hihilingin ko sa Diyos na ang pamana ko'y ikaw;
Aanhin ko ang piyano, kapag ikaw ay namatay,
Nihindi ko matutugtog sa tabi ng iyong hukay;
ang nais ko ikaw, Inang, at mabuhay ka lamang,
Ililimo ko sa iba ang lahat ng ating yaman;
Ni hindi ka maaring pantayan ng daigdigan,
Ng lahat ng ginto rito, pagka't ikaw
O Ina ko, ikaw'y wala pang kapantay!"