Kaputol na bakal na galing sa bundok,
Sa dila ng apoy kanyang pinalambot;
Sa isang pandaya'y matyagang pinukpok
At pinagkahugis sa nasa ng loob.
Walang anu-ano'y naging kagamitan,
Araro na pala ang bakal na iyan;
Ang mga bukiri'y payapang binungkal,
Nang magtaniman na'y masayang binungkal,
Ngunit isang araw'y nagkaron ng gulo,
At ang buong bayan ay bulkang sumubo;
Tanang mamamaya'y nagtayo ng hukbo,
Pagka't may laban nang nag-aalimpuyo!
Ang lumang araro'y pinagbagang muli,
At saka pinanday nang nagdudumali;
Naging tabak namang tila humihingi,
Ng paghihiganti ng lahing sinawi!
Kaputol na bakal na kislap ma'y wala,
Ang kahalagahan ay di matingkala -
Ginagawang araro, pambuhay ng madla;
Ginagawang sandata, pananggol ng bansa.
Pagmasdan ang panday, nasa isang tabi,
Bakal na hindi makapagmalaki;
Subali't sa kanyang kamay na marumi
Nariyan ang buhay at pagsasarili!