May isang tahanang malaki't marikit,
Langit ang bubungan at lupa ang sahig.
Bawa't silid nito'y may bundok na dinding,
Dagat at batisan ang siyang salamin.
Palamuti naman ang tanang bulaklak,
Tala at bituin ang hiyas na sangkap.
Maraming laruang nakapagtataka:
Isdang lumalangoy, ibong kumakanta...
May tanging laruang isang bolang apoy,
Aywan ba kung sino ang dito'y nagpukol.
At sino rin kaya ang tagapagsindi
Ng parol na buwang pananglaw kung gabi?
A, Siya ang ating mabait na Ama -
Kay bango ng hangin na Kanyang hininga!
At tayo? O, tayo ay magkakapatid
Sa buhay na itong ang ngala'y Daigdig!