Nanunuot hanggang buto ang daing na naririnig
Ng babaing nagdaramdam sa loob ng isang silid;
Pagmasdan mo't nakaratay sa higaan niyang banig,
Himas-himas ang balakang na masakit na masakit,
Sinasarili ang hirap, kinakaya ang hinagpis,
At talagang nakahanda ang buhay man ay mapatid;
Papaano'y isang inang buong pusong nagtitiis
Dahilan sa kanyang anak na isisilang sa daigdig.
Nakagagaya ng aliw ang di-matapos na galak
Ng babaing naghehele sa kalung-kalong na anak;
Namumupol sa gunita ng kundimang masasarap,
Mapahimbing lang ang bunsong maya't mayay umiiyak;
Sa ubod ng kanyang dibdib itinitigis ang katas
Ng biyayang sa laman ng kanyang lama'y pampalakas;
Papaano'y ina siyang tumatalaga sa lahat.
Mapalaki lang sa mundo ang anak na nililiyag.
Nakadudurog ng puso ang dasal na malulungkot
Ng babaing sa harap ng Santo Kristo'y nakaluhod;
Daop-kamay at may luhang dumadalangin sa Diyos
Na maanong gumaling din ang anak na nalulugmok;
Nilalamay ang magdamag sa paghanap ng panggamot,
Sinusubuan ang anak sa pagkain ng karampot:
Papaano'y isang inang ang buhay may ihahandog
Pagka ang buhay ng anak may panganib n amalagot.
Nakahihili ang dangal na nababasa sa mukha
Ng babaing nakayakap sa anak na minumutya;
Siya ang napapaakyat at di-makakayang tuwa
Sa tagumpay na tinamo ng anak na nagtiyagi,
Siya ang nagmamalasakit at walang laman ang gunita
Kundi ang putong ng anak na siya rin ang nagpunla:
Papaano'y ina siyang walang-maliw ang adhika
Na ang anak ay mawasto sa lahat ng ginagawa.
Nariyan ang ina natin: isang inang walang humpay
Sa pagtingi't pag-aaruga sa anak na minamahal;
Naghirap sa panganganak noong tayo ay iluwal;
Nagtiis ng pagpupuyat upang tayo'y mabuhay lang;
Ngunit tayo nang lumaki, magkaisip, at dumangal,
Pighati pa ang sa ati'y lagi niyang nakakamtan.
O, ang ina! Sa daigdig ay walang makakatimbang,
Paglibhasa'y siya na rin itong buong santinakpan!