Nakikita mo ba?
Ayun. Tanawin mo't wawpga-wagayway.
Kapilas ng kumot na may mga kulay;
Ako'y Pilipino: Bandila ko iyan
Mulang pagkabata... hanggang mamatay.
Iyan ang Bandila:
Tanda at sagisag niring pagkalahi;
Handang ipaglaban pag may umaglahi;
Iyang kayong iyan nitong aming lipi;
Sa puso't kaluluwa'y di magagapi-gapi;
Tigmak man ng dugo ng mga nasawi
Lalong gumaganda sa aking pangwari.
Kaputol na kayo,
Ngunit nang makabit sa dulo ng tagdan,
Walang kasing-uri... walang kasing-mahal;
Huwag magkamaling dustahin mo iyan,
Sambansang buhay man ay makakatimbang;
Sa dagat, sa lupa at himpapawid man
Ang bandilang iyan ay ipagsasangalang.