Uliran ang batang laging nakangiti,
Kakilala't hindi'y kanyang binabati,
Matimping kumilos, magalang na lagi;
Kapuri-puri nga ang kanyang ugali.
Sa kanyang tahanan, siya'y masunurin:
Katulong ng ina sa lahat ng gawain,
Sa mga kapatid siya'y matulungin,
Sa lolo at lola, asal ay butihin.
At sa paaralan, siya'y sumusunod
Sa mga tuntuning ipinag-uutos,
Kamag-aral, guro'y kaibigang lubos
Ng batang ulitan, kay bait kumilos.
Kapag nasa daan, iyong makikita,
Asal na huwaran, ugaling masaya,
Kinagigiliwan ng halos lahat na
Ang batang ang ayos, kilos ay maganda.
Uliran ang bata kahit siya'y nasaan,
Yaman ng magulang at ng paaralan
Bilang mag-aaral, bilang mamamayan
Dangal siya at puri nitong Inang Bayan.