Nakikita kita...
sa bawat pagsikat, paglubog ng araw
sa bukiring dilaw sa mga palayan
sa kislap ng tubig sa may karagatan
sa mga gusali't mga pagawaaan.
Naririnig kita...
sa buhos ng talon at daloy ng ilog
sa ugong ng hangin, dagundong ng kulog
sa halik ng alon, hagukgok ng agos
sa angil-makinang sa buhay panustos.
Nadarama kita...
sa mabining simoy ng hanging amihan
sa init ng bisig ng aking magulang
sa biyayang tubig sa natuyong linang
sa sinta't, kapatid, mga kaibigan.
Naiisip kita...
sa gabing tahimik, pusikit na dilim
sa rilag ng layang may dangal na angkin
sa kaunlaran mong lagi kong dalangin
sa pananagumpay ng mga mithiin.
Nakikita kita
Naririnig kita
Nadarama kita
Naiisip kita
O bayan kong sinta!