Bayani

Ako'y manggagawa: butil ng buhangin
sa daa'y panambak, sa templo'y gamit din;
buhay ko'y sa Diyos utang nga marahil,
nguni't ang palad ko'y utang din sa akin.
Alam ko ang batas: "Tao, manggagaling
sa tunay mong pawis ang iyong kakanin."

Hubad ang daigdig nang ako'y sumilang
at pikit ang mata ng sangkatauhan,
dahilan sa aki'y kaharia't bayan
ang nangapatayo sa bundok at ilang,
aking pinasikat sa gabi ang araw
at tinanglawan ko ang diwa't ang buhay.

Ako ang nagbangon ng Gresya at Roma,
ako ang nagbagsak ng palalong Rreya;
ang mga kamay ko'y martilyo't sandata
pambuo't panggiba ng ano mang pita!
Sa tulo ng aking pawis kinuha
ang kanin ng dukha't rangya ng maykaya.

Ako'y hari, nguni haring walang putong
panginoon akong namamanginoon;
binigyan ng yaman sa Ganito't Gayon,
ako rin ang siyang laging patay-gutom,
sila ay sa aking balikat tumungtong
nagsitaas habang ako'y nababaon.

Sambundok na ginto ang aking nahukay,
mano mang kaputol ay nabahaginan;
ang aking inani'y sambukiring palay
ngunit wala akong isaing man lamang
Ang buhay ng iba'y nabibigyang-buhay
gayong nasa bingit ako ng libingan!

Ang luha ko't dugo ibinubong pawa
sa lupang sarili, ngunit nang lumaya
ako'y wala kahit sandakot na lupa!
Kung may tao't bayang nangaging dakila
ang ginawang hagda'y akong manggagawa
nasa lupa ako't sila'y sa dambana.

At ang kabihasnan ng buong daigdig
ay bunga ng aking mga pagsakit;
tao'y binigyan ko ng sariling bagwis
nagmanhik-manaog sa tayog ng langit;
ginagalugad ko ang burol at yungib,
ang pusod ng dagat ay sinasaliksik!

Ang mga gusali, daan at sasakyan
ay niyaring lahat ng bakal kong kamay;
sa likha kong sa uling, sa bakal
biglang naghimala ang pangangalakal;
ngunit sumidhi rin ang pagkakalaban
ng buhay ng tao't ng ari-arian!

Ang mundo'y malupit; ngayo'y ako'y ako,
nakamihasnan nang dustain ng mundo;
gayon man, ang lahat, lalo na ang tao,
gawa ang urian kung ano't kung sino;
batong walang ganda'y sangkap sa palasyo,
sanggol sa sabsaba'y naging isang Kristo!

Madalas man akong walaing halaga,
ang uri ako'y hindi mababawasan pa;
ang ginto, saan man napagkikilala,
ang bango takpan may hindi nagbabawa;
kung ako'y bayani ng isang panata
lahat sa sikap ko'y nagtamong ginhawa.

Kung di nga sa aki'y lugmok ang puhunan,
lugami ang hari't lupaypay ang bayan;
walang mangyayari, pag ako ang ayaw,
mangyayaring lahat ibig ko lamang;
sa aking balikat nangasasalalay
ang pagkakaunlad ng mundo't ng buhay.

Sa wakas dapat ngang ngayo'y mabandila
ang katapatan kong laong iniluha;
ang aking katwiran ay bigyan ng laya;
ako ma'y anak din ng isang Bathala
at bayaning higit sa lalong dakila...
Taong walang saysay ang di manggagawa!

Hango sa Diwang Ginto (Ikaapat na Taon)

See also