Marahang iladlad... bandila sa tagdan,
Tambuli'y hipan sa bukang-liwayway!
Ang palad sa dibdib ay iyong idantay
Bigkasing padasal, "Dakilang Bataan...!"
Bataang dakila, Bataang nagbangon...
Sa hangin ng punglo at buga ng kanyon!
Sa dibdib mong wasak, bayani'y nagtanggol,
Namatay... pumatay... umurong... sumulong!
Diwang nahihimlay, ginising sa init!
Ng kadakilaang sumilang sa lupit!
Pusong natakot... nagpakpak ng ngitngit,
At sa kalawakan... gumuhit na lintik!
Sa matang may luha, humalili'y kislap,
Sa dugong tumulo't naghasa ng tabak;
Ulong nakayuko, pabiglang iniangat,
Sumingaw, "Bataan...! Ikaw ang sagisag!"
Sagisag ng dugo at luhang tumulo
Ng mga hinagpis, ng daing... at samo;
Libingang mapanglaw na irog at bunso...
Di ka malilimot, Bataang madugo...!
Di ka nalulupig, Bataan, kailan man,
Ang iyong pagsuko'y titiis nang tagumpay!
Sa puso ng lahi'y iningat-ingatan,
Sulong pinagsiklab sa pakikilaban.
Buhay na kinitil sa pambubusabos...
Buhay na sumilang sa langit nang poot!
Adhikaing siniil sa dilim nang puntod...
Bayaning nagbangon sa pakikihamon!
Bataan... Bataan... ikaw ay liwanag,
Bantayog ng giting, ng tapang, ng lakas;
Ang mga bundok mo, parang, ilog, landas;
Makinang sa dugo, at luhang pumatak!