Ang gabi'y lumatag;
Ang lambong na luksa sa lupa'y kumalat;
Gumapang sa damo sa bukiri't gubat
Umaakyat sa talahib at punong mataas.
At walang kalatis
Dilim ay tumakip sa buong paligid;
Ang lupa at langit at ang himpapawid
Ay di na makita sa gabing pusikit.
Tahimik ang lahat;
Sumilip ang buwan at tuwang nagmasid
Sa mga bituing pakaliliit
Nagsisipanukso at pipikit-pikit.
Sa buong magdamag
Ang kalangitan ay ubod nang ningning;
Tumanglaw sa mundong anong pagkahimbing
At sa nilalakbay, mga pangarapin.
At naroon nga
Nagsisipagbantay ang mga ilawan;
Hindi umaalis, hindi napapagal
Payapang-payapang nagsisipaghintay.
Hinihintay nila
Ang pagsisimula ng bagong umaga;
At mga ilawan ng gabing masaya'y
Sandaling aalis at magpapahinga.