Babahagya ko nang sa noo'y nahagkan,
sa mata ko'y luha ang nanga-unahan;
Isang panyong puti ang ikinakaway
Nang siya'y iwan ko sa tabi ng hagdan.
Sa gayong kalungkot na paghihiwalay,
Mamamatay ako... siya'y nalulumbay.
Nang sa tarangkahan ako'y nakabagtas,
Pasigaw ang sabing, "Magbalik ka agad."
Ang sagot ko'y, "Oo, hindi magluluwat!"
Nakangiti akong luha'y nalalaglag...
Na biyak ang puso't naiwan ang kabiyak!
Lubog na ang araw, kalat na ang dilim
at ang buwan nama'y ibig nang magningning;
Naka-orasyon na noong aking datnin
Ang pinagsadya kong malayong lupain
K'wagong nasa kubo't mga ibong itim.
Ang nagsisalubong sa aking pagdating.
Sa pinto ng narong tahana'y kumatok,
Pinatuloy ako ng magdudang loob;
Kumain nang konti, natulog sa lungkot.
Ang puso kong tila ayaw nang tumibok;
Ang kawikaan ko, "Pusong naglalagot,
Namatay kung ako'y talaga ng tulog!"
Nang kinabukasang mayawak ang dilim,
Araw'y namintanang mata'y nagniningning;
Sinimulan ko na ang dapat gawin:
Ako'y nag-araro, naglinang, nagtanim;
Nang magdidisyembre, tanim na kaingin.
Ay ginapas ko na't sa irog dadalhin.
At ako'y lumakad, halos lakad-takbo,
Sa may dakong ami'y meron pang musiko;
Ang aming tahana'y masayang totoo...
At nagkakagulo ang maraming tao...
"Salamat sa Diyos...!" ang naibigkas ko,
"Nalalaman nila na darating ako."
At ako'y tumuloy... pinto nang mabuksan,
Mata'y napapikit sa aking namasdan,
Apat na kandila ang nangagbabantay
Sa paligid-ligid ng irog kong bangkay;
Mukha'y nakangiti at nang aking hagkan,
Para pang sinabi: "Irog ko, paalam!"