Iba't ibang uri ang kabayanihan
Tulad ng bulaklak, iba't ibang kulay,
May mga bayaning pinararangalan
Mayroong di-kilala'y bayani ring tunay.
Mga kababayang nabuwal sa laban
Mga magigiting, mga matatapang,
Nag-alay ng dugo at saka ng buhay
Upang mapalaya lupang minamahal.
May mga bayani sa mga tahanan
Bayani sapagkat ulirang magulang,
Ang turo sa anak, kabutihang-asal
Upang sa paglaki ay maging huwaran.
May mga bayaning nasa paaralan
Batang masunurin, masikap, magalang,
Batang malulusog, isip at katawan
Mga mamamayan ng kinabukasan.
May mga bayaning utusan ng bayan
Hindi pinipili ang sinisilbihan,
Sa mga sakuna ay maasahan
Kapag may panganib ay matatawagan.
Ang maging bayani ay hindi mahirap
Kung puso'y malinis, marunong lumingap,
Kagalinga't buti'y siyang tinatahak
Saan mang tungkulin ay karapat-dapat.