Iyang ibong pipit ay iyong kulungin,
Pakanin maghapon, bigyan ng inumin;
Kahit suyuin pa at pakamahalin,
Aywan ba't ang nasa ay makaalpas din.
Ang tao, ipiit sa palasyong kristal,
Dulutan ng aliw, ng sarap, ng dangal;
Pilit ding titigib ang sakbibing lumbay.
Nagnanasa pa ring tumakas pagkuwan.
Ang ating pa nga bang bansang sakdal dilag
Ang sa kalayaan ay hindi maghangad...
Bayang walang laya ay siil at hubad,
Sa sariling lupa'y busabos na ganap!
Walang kasintamis ang maging malaya
Ang kaapihan mo'y tumitighaw, nawawala,
Dito'y walang imbi, dito'y walang dusta,
Sa sikat ng araw parating sagana!