Marami ang nagtuturing mahirap daw itong buhay,
Araw-araw ay paggawang tila man din walang humpay;
Datapuwat isang pantas ang nagbadya at nagsaysay;
"Tagumpay ay nakakamit kapag tao ay masikhay."
Ang sandali'y mahalaga hindi dapat na sayangin,
Kasipagay isagawa at itanim sa damdamin;
Kapag ito'y inugali walang liwag na kakamtin
Ang ginhawang inaasam at bungkos ng pangarapin.
Hindi dapat na mahiya itong palad ay kumapal
Kung gawain ay mabuti at hangarin ay marangal;
Pagsisikap na may tiyaga, kasipagan ang kakambal
Ay sandatang panggalang... pamuksa sa kahirapan.
Paalala't pagunita sa diwa mo, kabataan...
Sa tuwina'y isaisip, sana'y laging tatandaan:
"Kasipaga'y ugaliin at gawin mong pamantayan
Upang kamtin ang maaya at magandang kapalaran."