Itong Lahing Kayumanggi sang-ayon sa kasaysayan,
May sarili, katutubo at mayamang kalinangan;
Pinagpala't dinakila, pinagtanggol sa dayuhan
Nitong mga Pilipinong bayani ng ating bayan.
Isang paham ang nagwika at matatag na tinuran:
"Ang kultura ay bahagi nitong mga mamamayan,
Nagsisilbing isang moog at bantayog na may dangal,
Nararapat na mahalin at sa puso ay itanghal."
Kalinanga'y pagyamanin sa isipan at damdamin,
Sa dula at katutubong mga sayaw at awitin;
Lagi sanang tatandaan at sa diwa ay itanim,
Ang kultura'y isang hiyas... kayamanang ituturing.