Huwag muna, Rizal, huwag muna!
Huwag ka munang lubusang humimbing
Kailangang-kailangan ka pa namin;
Lubhang marami pang dapat gawin,
Napakalawak pa ang dagat na dapat languyin,
Marami pang kabundukang dapat bagtasin,
Kayrami pang hirap na kailangang tiisin!
at krus na dapat naming pasanin,
na di namin halos kayang balikatin.
Kundanga'y lumambot ang aming mga paypay,
Lubos na humina ang mga litid nami't laman;
Lumuyloy ang aming mga katawan
Sa tamis ng mga layaw sa buhay
na ipinadama ng mapagkupkop na dayuhan.
Huwag ka munang tuluyang mamahinga!
Huwag muna, Rizal huwag muna:
Ang ating baya'y nangangailangan pa
ng dugo ng kabataan - dugo ng kabataang ang kapara
ay dugo mong inialay sa bayan mong sinta
sa ngalang dakila ng laya't ligaya
at sa dambana ng kasarinlan ay tinalaga!
Hindi lamang, ikaw, Rizal,
kundi lahat ng bayaning matatapang,
ang mga martir ng ating bayan!
Bumangon kayo! Bangon at muling maglakbay
sa ating lupaing nanlulupaypay,
Ibuhos na muli ang dugong laging nakalaan!
Bahiran ng mapula niyong kulay
ang aming mga ugat na nangangalirang.
Mapahalo man lamang
sa dugo namin ang inyong kabayanihan
at walang kasintigas na paninindigan
nang sa gayo'y mapaukit sa dambana ng kalayaan
ang inyong mga pangarap na busilak at dalisay!