Sa simula ay ang sa inyo'y ibibigay,
Mga guro at magulang, panauhi't kamag-aral;
Sa inyo'y ihahandog itong munting nakayanan
Upang kayo ay aliwin at mabigyang kasiyahan.
Sa sariling pag-iisip, marahil ay itatanong
Bakit tayo ngayong hapon ay narito't nagtitipon?
Katanungang hihingi at tangi kong itutugon
Ay Linggo ng mga Aklat ang dito ay nakatuon.
Ako'y hindi nag-iisa sa pagharap ko sa inyo,
Paggunita't pagdiriwang kaya tayo naririto;
Kasama ko labing-anim kamag-aral, kapara ko
Na may diwa't pagmamahal sa atin pong mga libro.
L - ikha ako't binalangkas ng maalab na isipan,
Kaya ako'y naririto't sa daigdig ay sumilang.
I - law ako, liwanag ko, tanging nasang maialay,
Init akong nag-aalab sa malamig na isipan.
N - gayong ako ay kapiling, sana naman ay ingatan,
Buklatin mo yaring dahon sa gabi at maging araw.
G - intong yaman ang katulad sa dunong na makakamit,
Kaya tanging hinihiling iganti mo ay pag-ibig.
G - amitin mo nang maingat, akong ito ay mahalin,
Lagyan mo ko ng pabalat, sa tuwina ay kupkupin.
O - ras na may katanungan, lagi akong nakalaan,
Hindi kita bibiguin sa hanap mong kasagutan.
N - agdurugo ang puso ko kapag ako'y binayaan,
Hinahangad ilaan mo'y itong iyong pagmamahal.
G - intong butil nitong dunong na sa aki'y nakamit mo.
Ay gamitin sa mabuti't pakikipagkapwa-tao.
M - ga kuwento't anekdota, talambuhay at sanaysay,
Tula, dula at pabula, gintong aral nitong buhay,
Kaalamang mahalaga, alamat na pinagmulan
Sa akin mo mababasa, sa pahinang tinataglay.
G - inintuang karunungan na sa aki'y makukuha,
Pagyamanin at linangin, isapuso sa tuwina.
A - ko'y sulo't iyong tanglaw , magsisilbin gisang gabay
Sa pagtahak ng landasin sa tugatog ng tagumpay.
A - riin mong ako'y Ikaw, mahalin mo at ingatan,
Ako'y laging nakalaan - matapat na kaibigan.
K - atanungan di-malirip nitong mga mag-aaral,
Walang ibang tumutugon kundi aklat na patnubay.
L - agi akong iingatan, laging lagyan ng pabalat,
Pagkatapos na magamit ay itago nang maingat.
A - ng dahon ko'y h'wag punitin at maingat na gamitin,
Karunungang sinatitik, unawai't pagyamanin.
T - agumpay mong makakamit ay ligayang ituturing
Pagkat ito ang hangad ko't minimithi na layunin.
Bago kami mamaalam at wakasan itong tula,
Marapatin sana akong mag-iwan ng pagunita;
Mga aklat ay ingatan pagkat yamang mawiwika,
Sandata sa kamangmangan at palihan nitong wika.