Magtulungan

Merong isang laggam sa tabi ng batis,
Sa nilakad-lakad nahulog sa tubig;
Sa nilutang-lutang at inikit-ikit
Kamatayang niya'y lalong lumalapit.

Sa tabi ng batis, sa sanga ng kahoy
Ay may namumugad namang isang ibon;
Sa kawawang langgam nagbigay ng tulong,
Naglaglag ng isang maliit na dahon.

Sa dahong nalaglag langgam ay kumapit
Kaya't nakaligtas siya sa panganib;
Ang pasasalamat ay di mahulilip,
"Makagaganti rin" - ang ipinagsulit.

Sa puno ng kahoy langgam ay nagbahay,
Tinawag ang kanyang mga kaibigan,
Gumawa ng punso at pinagsikapang
Bantayang ang ibon habang nabubuhay

Ilang araw lamang ang nakalilipas
May isang binatang lumabas sa gubat,
May sakbat na pana sa isang balikat
At ang ibon ay siyang hinahanap.

Nang napapagod na'y nakaramdam ng uhaw
Kaya't nakarating siya sa batisan;
Dito na nakita itong ibon pakay
Sa sanga ng kahoy na napakalabay.

Kung kaya't noon di'y kinuha ang pana
At tutudlain na ang ibong kawawa,
Nguni't nagulantang ang abang binata,
Sinigid ng langgam ang dalawang hita.

Sa pagkagitla pana ay nalaglag,
Nabigyang panahong ibo'y nakalipad;
Ang binata naman sa sakit ng kagat
Sa pook na yaon ay umalis agad.

Ang nangyaring ito sa ibo't sa langgam
Saksing mahalaga sa pagtutulungan;
Iligtas mo ako sa kapahamaka't
Ililigtas kita sa kapanganiban.

Ang pagtutulungan ay mabuting gawa,
Ang pagdadamaya'y napakadakila,
Magtulungan tayo at managana,
Magdamayan tayo'y magtatamong-pala.

See also