Mais na kalamay ay sadya kong ibig.
Lalo na't ang halo ay bagong pinipig,
Halo ang pambayo sa sangkap na gamit
At halo ng halo nang huwag manikit.
Kaytaas ng palo ng bapor na yaon
Ngunit nang lumakas ang bagyo kahapon,
Sa lakas ng palo ng hanging habagat
Nabali nang bigla, sa dagat bumagsak.
Kay lakas ng lagnat ni Neneng kong mahal,
Sing-init ng baga ang kanyang katawan;
Nang sa mangagamot siya ay patingnan
Baga pala niya ay nalamigan daw.
Ako'y humahanga riyan kay Mang Isko
Sapagkat mahusay tumugtog ng baho;
Ngunit hininga niya ay sadyang ayoko,
Sakdal po ng baho kaya di ko gusto.
Ako ay nagtanim ng buto ng santol
Sa tabi ng tubo sa banda pa roon;
Ngayon ay tubo na, may sariwang dahon,
Darating ang araw ito ay yayabong.