Dapat nating pag-aralan ang Ingles at Pilipino
Sapagkat sa kaunlaran ay tulong ang mga ito;
Kailangang magtulungan ako, ikaw, sila't tayo
Upang itong Pilipinas matampok sa buong mundo.
Kung sa Ingles ay mahina, maaari ring humusay,
Kailangang gawin lamang ay lubusan na magsanay;
Dapat kayong magsibasa ng magasi't pahayagan,
Manood ng telebisyo't pelikulang maiinam.
Magbasa din ang s'yang dapat ng maraming babasahin,
Manood ng telebisyo't pelikulang yari sa 'tin;
Kailangan ding gawin ito kung mahal ang wika natin
Gamitin sa tuwi-t'wina at palaging pagyamanin.
Pilipino ay pambuklod sa wikaing iba-iba
At tatak ng pagkabansa nitong bayang sinisinta;
Ito'y dapat na mahali't tangkilikin sa tuwina,
Pagkat ito ay sagisag nitong bayang sakdal ganda.
Dapat ding pagyamanin ang dayuhang wikang Ingles,
Kailangang matutuhan pagkat wikang pandaigdig;
Maaaring gawing tulay kung may nais na makamit
Na pagtulong o balita sa labas ng bayang ibig.
Pagkat kapwa mahalaga ang dalawang wikang ito;
Kailangang pag-aralan, Mamamayang Pilipino;
Dapat tayong magsumikap upang lahat ay matuto
Nitong wikang nangabanggit at uunlad tiyak tayo.