Isa akong Pilipino sa dugo at sa isipan
Ang pinagmulan kong lahi ay magiting at marangal
Mga dakilang lalaking nabantog sa dunong, tapang,
Sa dahon ng kasaysayan, gintong titik ang pangalan.
Ako'y isang Pilipino, ang bayan ko'y Pilipinas
Bansang dulot ng Maykapal sa Silangan napalagak
Yaong libu-libong pulo na sa dagat ay nagkalat
Sa halik ng mga alon, tila perlas ang katulad.
Malawak na kabukiran ay kaygandang pagmalasin
Ang paligid ay luntian nang dahil sa mga tanim
Mapagpalang mga kamay ang dito ay nag-aangkin
Filipinong nagsisikap, Filipino matiisin.
Ang yaman na nakatago sa bundok at mga gubat
Sa tulong ng aking lakas ay palaging hinahanap
Tinutunton, tinutuklas sa tulong ng pagsisikap
Ginagamit upang itong aking bayan ay umunlad.
Ako'y isang Pilipinong ang laya ay minamahal
Kamatayan ay matamis kapag ito ay niluray.
Lapu-lapung magbabagong pag sinakop ng dayuhan
Muli akong mabubuwal sa Tirad Pass at Bataan!
Ngayong bayan ay malaya ay kayraming dapat gawin
Industriya't kalakalan ay dapat na paunlarin
Ang bukid at kaparangan ay dapat na pagyamanin
Ang lunsod at mga nayon ay kailangang pabutihin.
Akoy isang Filipinong may tungkuling gagampanan
Upang bayan ay ihatid patungo sa kaunlaran
Mga dakilang layunin ng bayaning mararangal
Buong sikap na gagawin upang tayo'y magtagumpay.
Kaya tayo ay kumilos halina at magbalikwas
Masasama nating gawi ay palitang na ngang ganap
Magkaisa't magtulungan buong sikap buong tatag
Upang ating maitindig ang maningning nating bukas!