Sa lupang tinubuang kay tamis mamuhay,
Panatag ang iyong diwa't kalooban:
Di mo kakilala ang gutom at uhaw,
Malayo sa lungkot at kapighatian...
Ang buong maghapo'y tuwang di-matapos,
Sa piling ng iyong kababayang irog;
Walang agam-agam, maging sa pagtulog;
Magandang palad mo'y halamang malusog...
Maging dampa yata ang iyong tahanan
Sa lupang saliri'y langit ang kabagay,
Kung hitik sa bunga ng mga halaman,
Kung busog sa lingap ng pagmamahalan.