Umaga pa noon, sa may asotea ang nag-uulayaw
Ay dalawang sabik na magkasintahan,
May bango ang simoy ng hanging amihan,
Tubig ng estero'y may awit sa bangkang nagsisipagdaan,
"Di kaya totoong sa pinatunguhang malayong lupalop,
Ang iniwang sinta'y saglit mong nalimot?"
"Hindi kailanman," ang masuyong sagot.
Aakalain ba noong ang umaga'y dilim ang kasunod?
Lumatag ang gabi. Ang alpa'y napipi't lungsod ay nahimbing.
Subalit sa parang namalaging gising
Ang layang nagpuyat at ayaw pasiil.
Mag-aalas-dose, sa pampang ay isang bangka ang himimpil.
Lalaki'y umibis, at pamaya-maya sa may asotea,
Dalawang anino ay naging iisa.
Ang buwa'y nagkubli. Ilang sandali pa...
Tubig ng estero'y hiniwa ng bangkang sa Pasig patumpa.
May putok ng baril. Tubig ay natina ng dugong bayani.
May mga nabuwal sa dilim ng gabi.
Tubig ng estero ay hindi kumati,
Ngunit pinaitim naman sa lumipas ng basura't dumi.
Wala na ang liryo; wala rin sa pampang ang damong malago.
Wala ang dalagang may tapis at panyo.
Wala ang amihan, ang mabangong samyo.
Ang narito'y burak ng katotohanang hindi maitago.